-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi sila nakatanggap ng anumang pagkosulta hinggil sa bagong kautusan na inilabas ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia na nagpapatupad ng hindi na mandatoryong pagsusuot pa ng face mask sa mga lugar na open space.

Sinabi ito ng kagawaran kasabay ng kanilang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng palagiang pagsusuot ng facemask bilang epektibong panlaban pa rin sa sakit na COVID-19.

Sa idinaos na media forum ngayong araw ay nagpahayag ng paninindigan si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kinakailangan at mahalaga pa rin ang pagsusuot ng facemask dahil sa hindi mapagkakailang malaking tulong nito para hindi na magtuluy-tuloy pa ang pagkalat ng sakit sa buong bansa lalo na ngayong maraming iba’t-ibang klase ng mga bagong variant ng nasabing sakit ang naglalabasan lalo na ngayong may ilang mga lugar pa rin sa Pilipinas ang may mababang bilang ng bakunahan laban sa nasabing virus.

Ayon pa kay Vergeire, hindi lamang sa sakit ng COVID-19 nagsisilbing proteksyon ang pagsusuot ng facemask kundi pati na rin sa sakit na monkeypox na lumalaganap ngayon sa ibang bansa at pinangangambahan na makapasok sa bansa.

Sa kabilang banda naman ay ibinahagi ng infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvana ang dalawang pangunahing dahilan kung bakit kailangan magsuot ng face mask ng isang indibidwal.

Ito ay upang maiwasan na makahawa at mahawa ng anumang virus.

Paliwanag niya, may mga pagkakataon talaga na binibigyan ng exception ang hindi pagsusuot ng face mask ngunit nilinaw na hindi aniya ito advisable sa lahat ng oras dahil sa posibilidad ng pagkalat ng nasabing virus dahilan kung bakit hindi pa ngayon ang tamang oras na tanggalin ang mandatong ito sa bansa.

Samantala, muli namang iginiit ni Vergeire na kinakailangang sumunod ng lahat ng mga pampubliko at pribadong sekto r kabilang na ang mga local government units sa mga ipinatutupad na IATF resolutions at protocol sa bansa alinsunod na rin sa RA 11332 na inilabas ng pamahalaan.

Magugunita na una nang hindi kinilala ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang inilabas na kautusan na ito ng Cebu LGU hinggil sa pagluluwag sa mandato ng pagsusuot ng facemask at bagkus ay ipagpapatuloy pa rin nito sa pamamagitan ng Philippin National Police (PNP) ang pagsita at paghuli sa mga violators ng Inter-agency Task Force guiedlines.