-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine Air Force (PAF) ngayong araw na hindi nakadirekta sa anumang bansa ang isinagawang joint air patrol ng PH at US Pacific Air Force kahapon, Pebrero 19.

Inihayag din ng ahensiya na layunin lamang ng naturang aktibidad na pag-ibayuhin pa ang interoperability sa pagitan ng 2 Air Force.

Ayon pa kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, ang naturang maritime cooperative activity ay alinsunod sa international rules based order dahil ang naturang operasyon ay isinasagawa sa loob ng ating teritoryo at sa loob ng exclusive economic zone ng PH.

Inisyu ng PAF ang naturang pahayag kasunod ng inilabas na statement ng China na nagdulot umano ng gulo sa pinagtatalunang karagatan ang joint air patrol ng PH kasama ang US.

Una rito, nagsagawa ng air patrol ang US at PH Air Force sa may 90 nautical miles kanluran ng Candon, Ilocos Sur at 50 nautical miles hilagang-kanluran ng Lubang, Occidental Mindoro.

Kasama sa air patrol ang PAF PAF FA-50s at ang B-52H bomber aircraft ng US Pacific Air Force.

Bahagi pa rin ang naturang air patrol ng ikatlong iteration ng US-PH maritime cooperative activity na sinimulan noong Pebrero 9 ng kasalukuyang taon.