Nagdeploy ang Philippine Air Force (PAF) ng kanilang mga disaster response team para tumugon at tumulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng Bagyong Jolina at Kiko.
Ayon kay PAF Spokesperson Ltc. Maynard Mariano, naka-alerto at nagsagawa ng rescue and evacuation operations ang Disaster Response Teams ng Tactical Operations Wing, Southern Luzon partikular sa mga apektadong residente dahil sa hagupit ng Bagyong Jolina.
Sinabi pa ni Mariano, nagsagawa din ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis ang PAF Huey II Nr 662, sa mga apektadong lugar sa Burias Island, Masbate City kasama ang ilang tauhan ng Office of Civil Defense Region 5.
Nagsagawa din ang nasabing helicopter ng Search, Rescue and Retrieval Operations sa coastal areas ng Paguiranan, Balud, at Asid Gulf sa Masbate to para sa apat pa na mga mangingisda na nawawala hanggang sa ngayon.
Batay sa report sa walong mangingisda na missing, apat na ang narekober kung saan isa ang nasawi habang tatlo ang nailigtas.
Dagdag pa ni Mariano, nadeploy din ang PAF ng KM250 vehicles para i biyahe ang mga stranded na mga residente sa Noveleta patungong Cavite City.
Nasa kabuuang 25 pamilya o 93 individuals ang inilikas sa Barangay Tejero sa Balayan, Batangas.
Nagsagawa din ng road clearing operations ang mga tauhan ng Philippine Air Force sa Brgy. Dela Paz sa Ilijan, Batangas.
Bilang paghahanda naman sa pinsala na iniwan ng Bagyong Kiko, ang Disaster Response Teams naman mula sa Tactical Operations Wing sa Northern Luzon ay naka alerto at naka-standby.
Siniguro naman ng pamunuan ng PAF na sila ay committed tumulong sa sambayanan lalo na sa panahon ng disasters and calamities.