-- Advertisements --

Hawak na ng Indiana Pacers ang 2-0 lead laban sa top eastern conference team na Cleveland Cavaliers matapos nitong ibulsa ang Game 2, 120-119.

Sinamantala ng Pacers ang hindi paglalaro ng dalawang Cavaliers starter na sina Evan Mobley at Darius Garland, kasama ang reserve na si De’Andre Hunter upang iposte ang clutch performance sa huling quarter.

Naging aggresibo ang Cavs sa unang quarter at ipinoste ang 17 points na kalamangan sa pagtatapos nito, 32-15.

Mula sa unang quarter hanggang sa 3rd quarter, pinilit ng Pacers na habulin ang Cavs ngunit tanging tatlong puntos ang kanilang nabura sa pagtatapos ng 3rd quarter.

Sa pagpasok ng 4th quarter, nagbago ng opensa ang Pacers at pinilit na burahin ang 14-point deficit sa pangunguna nina Tyrese Haliburton. Nagawa ng Pacers na ilapit ang score sa 119-112, 58 secs bago tuluyang matapos ang laban.

Pinilit ng Cavs na ilayo pa ang score sa huling isang minuto ngunit hindi nito nagawang makapagpasok ng puntos hanggang sa tuluyang makalapit ang Pacers sa score na 119-116, 28 secs, bago matapos ang 4th quarter.

Sa sumunod na transition, hawak ng Pacers ang bola ngunit tinawagan si Cavs guard Ty Jerome ng foul matapos matapik si Haliburton.

Nagawa ni Hali na ipasok ang unang free throw ngunit hindi na pumasok ang ikalawa. Gayonpaman, napunta pa rin kay Haliburton ang rebound, sampung segundo bago matapos ang laban.

Hindi na nagpatawag ang Indiana ng time-out at sa halip ay tinangka na lamang ni Hali na ipasok ang isang 24ft 3-pointer na kinalaunan ay tuluyan ding pumasok, daan upang ibulsa ng koponan ang 1-point lead, 120-119.

Sa pagkatalo ng Cavs, nasayang ang 48 points, 9 assists, at limang rebounds ni Donovan Mitchell, kasama ang 22 points at 12 rebounds ni Jarrett Allen.

Anim na player naman ng Pacers ang gumawa ng double-digit score sa pangunguna ni Hali na kumamada ng 19 points, 9 rebounds, at 4 assists.

Samantala, lilipat na sa homecourt ng Pacers ang laban sa Game 3 at Game 4.