-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Naglaan si Mayor Kiko Dy ng Echague, Isabela ng P500,000.00 na reward money para sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa riding-in-tandem suspect na bumaril at pumatay kay Barangay Kapitan Boy Sacro ng Busilelao, Echague, Isabela.

Lumabas sa imbestigasyon ng Echague Police Station na tinambangan at pinagbabaril ng mga suspek si Barangay Kapitan Sacro, 62 anyos, may-asawa.

Naganap ang pananambang kay Kapitan Sacro habang binabagtas ng minamanehong tricycle ang daan sa Dammang East, Echague, Isabela.

Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa kanyang ulo, leeg, tagiliran, tuhod at iba pang bahagi ng katawan ang barangay kapitan.

Dinala si Kapitan Sacro sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Punong Barangay Roberto Imbat ng Santa Cruz, Echague na bago ang pagpaslang sa kanyang pinsang buo ay dumalo muna sila sa pagpupulong ng kanilang Liga.

Papauwi anya ang kanyang pinsan sakay ng minamanehong tricycle nang pagbabarilin ng mga salarin sa Barangay Dammang East, Echague, Isabela.

Ang dalawang salarin ay sakay ng isang black honda TMX 125 motorcycle.

Ayon kay Punong Barangay Imbat , mabait ang kanyang pinsan at wala namang naikukuwentong nakaalitan kaya nagtataka sila kung bakit pinaslang ang biktima.