CEBU – Tinatayang umabot sa P5.9 million na halaga ng shabu at isang baril ang nasakote ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa ginawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation on Traffic Violations sa isang barangay sa lungsod ng Toledo, Cebu.
Isang motorista ang na-flagged down ng mga otoridad matapos nagtangkang umiwas sa checkpoint dahil walang suot na helmet at face mask ang driver at ang backrider.
Nakuha ng operatiba mula sa backrider na si Remedion Pardillo Paraiso ang isang .357 revolver na may apat na bala at ang 14 na medium plastic sachets na may hinihinalang shabu.
Samantalang nasakote mula sa driver na si Mauricio Paran Jr ang 16 na medium size plastic sachets na may hinihinalang illegal drugs at isang malaking tea bag na may shabu at iba pang mga kagamitan.
Kapwa mula sa lungsod ng Toledo, Cebu ang mga naaresto na nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Republic Act 10951 at kasalukuyang nasa Toledo City Custodial Facility.
Ayon kay Cebu Police Provincial Office (CPPO) Director PCol Alladin Collado, bahagi ang naturang operasyon sa commiment ng pulisya sa Police Regional Office (PRO-7) para sa pagpapababa pa sa kriminalidad sa lalawigan ng Cebu.