-- Advertisements --

Umaabot sa P43 billion pondo ang inilaan ng gobyerno para sa agricultural priority programs sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).

Ito ang inihayag ng Department of Budget and Management, bilang pangako ng Marcos Jr., administration na pasiglahin ang sektor ng agrikultura at ibahin ang anyo nito upang maging isa sa mga pangunahing susi para sa paglago ng ekonomoya at makalikha ng maraming trabaho at mapalakas ang food security programs ng bansa.

Ang mga programang ito ng Department of Agriculture (DA) ay kinabibilangan ng National Rice Program, National Corn Program, National Livestock Program, National High-Value Crops Development Program, Promotion and Development of Organic Agriculture Program, at National Urban and Peri-Urban Agriculture.

Layon ng nasabing programa tugunan ang seguridad sa pagkain, pagpapagaan ng kahirapan, at napapanatiling paglago sa pamamagitan ng pagtaas ng kita at produktibidad ng sakahan.

Una ng binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang agrikultura ay isang pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman kanilang sinisiguro na ang mga mahahalagang programa na naglalayong pataasin ang kita at produktibidad ng mga sakahan ay nakakatanggap ng sapat na tulong at suporta mula sa gobyerno.

Ang National Corn Program, na naglalayong pataasin ang produksyon ng de-kalidad na mais at kamoteng kahoy para sa konsumo ng tao, feeds, at industrial use, gayundin ang pagbibigay kapangyarihan sa mga magsasaka at dagdagan ang kanilang kita, ay may P5.02 bilyong badyet ngayong taon.

Ang National Livestock Program, na naglalayong pabilisin ang pag-unlad ng poultry at livestock sector sa pamamagitan ng pagpapabuti ng produksyon nito at pagtaas ng profitability ng stakeholders, ay mayroong P4.50 billion budget.

May kabuuang P1.80 bilyon ang inilaan para sa National High-Value Crops Development Program, na ipinatupad upang tumulong sa pagsulong ng produksyon, pagproseso, marketing, at pamamahagi ng mga high-value crops.

Ang Promotion and Development of Organic Agriculture Program ay mayroong P900 milyon na badyet para sa 2023. Ang programa ay naglalayong isulong, palaganapin, higit na paunlarin, at ipatupad ang pagsasagawa ng Organic Agriculture sa bansa.

Ang National Urban and Peri-Urban Agriculture Program ay nabigyan ng P318.47 milyon sa ilalim ng 2023 GAA.