LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Police Provincial Office (PPO) na nai-turnover at unti-unti nang ipinamamahagi ang nasa P2 million bounty mula sa provincial government para sa mga impormante ng Batocabe slay.
Una nang inihayag sa pagdinig sa House Committee on Public Accounts sa pamumuno ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na Philippine National Police (PNP) ang naghati-hati ng P35 million na reward money.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay PPO Provincial Director P/Col. Wilson Asueta, maingat sa pagbibigay ng pera ang pulisya upang matiyak na magiging matagumpay ang prosekusyon ng kaso hanggang sa makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Party-list Cong. Rodel Batocabe.
“Fully accounted” naman aniya ang halaga, subalit nakadeposit pa sa bangko ang nasa P800, 000.
Giit pa nitong mahirap nang maibigay ang lahat ng halaga kung babawiin lamang ng mga testigo ang pahayag sa dakong huli.
May mga liquidated report na rin umanong inihahanda at isusumite sa tanggapan ni Governor Al Francis Bichara.
Bukas naman si Asueta na dumalo sa pagdinig sa komite sa Kamara sakaling maimbitahan para sa ilang paglilinaw.