CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng umano’y drug courier matapos makuhanan ng P31 milyon halaga ng ipinagbabawal na gamot sa buy bust operation sa Brgy. Duljo Fatima sa lungsod ng Cebu.

Naaresto ang 20-anyos na si Raven Gonza na nakatira sa nasabing lugar kung saan nakumpiska mula rito ang halos limang kilo ng pinaghihinalaang shabu.

Ayon sa hepe ng Mambaling Police Station na si S/Insp. Renz Talosig, isinailalim nila sa dalawang linggong surveillance ang drug courier matapos makatanggap ng report mula sa isang concerned citizen.

Dagdag pa ni Talosig, patuloy ngayong iniimbestigahan ng PNP ang pagkakahuli ng subject at inaalam kung konektado ba ito sa daan-daang milyong shabu na nasabat din sa Cebu City at ng Consolacion PNP noong nakaraang linggo.

Samantala mariing itinanggi naman ng suspek na si Gonza na siya ang nagmamay-ari ng narekober na shabu.

Iginiit nito na binabantayan lang umano niya ang mga ito kapalit ng suhol na P1,000.