-- Advertisements --

Nasa P20 million daw na pondo ang nais na maaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) en banc na karagdagang honoraria para sa mga gurong nagsilbi sa halalan noong Mayo 9.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang naturang pondo ay bilang bayad sa overtime service ng mga poll workers noong May 9 elections.

Aniya, manggagaling daw ang naturang pondo sa natipid na budget ng poll body.

Una rito, nagsumite si Garcia ng rekomendasyon sa Comelec en banc para bigyan ng karagdagang honoraria ang mga guro at support staff na na-assign sa mga polling precincts kung saan nag-malfunction ang mga vote counting machines (VCMs).

Ipinunto ni Garcia na lahat daw ng mga miyembro ng en banc ay pabor sa naturang panukala.

Asahang ilalabas ang desisyon ng komisyon dito sa mga susunod na araw.

Base sa data ni Election Task Force (ETF) Head Atty. Marcelo Bragado Jr., nasa 640,000 na tauhan ng Department of Education’s (DepEd) ang nagsilbi bilang poll workers sa 2022 elections.