Kailangan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang free, prior at informed consent (FPIC) ng anim na indigenous groups para masimulan ang konstruksiyon ng P12.2 billion New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project (NCWS-KDP) na pinopondohan ng Export-Import Bank of China.
Ito ay upang makuha ng MWSS ang permiso ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa pagsisimula ng NCWS-KDP, kailangan muna nito ang pahintulot ng anim na tribu na maaapektuhan ng proyekto.
Gayunman, sinabi ni Agta-Dumagat leader Marcelino Tenan na isa lamang sa anim na indigenous groups ang nagbigay ng FPIC sa MWSS at sinabing tumanggap ito ng P20 million na pondo mula sa ahensiya.
Ibinunyag ito ni Tenan sa deliberation kamakailan ng House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples.
Ayon kay MWSS deputy administrator Leonor Cleofas, kailangang makuha ng project contractor, China Energy Engineering Corp. (CEEC), ang lahat ng kinakailangang permits at clearances bago masimulan ang construction works.
Aniya, ang CEEC ay nagsasagawa pa lamang ng surveys at geological investigation upang makabuo ng detailed engineering design para sa dam.
Samantala, hiniling nina Deputy Speaker at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at ACT Teachers Rep. France Castro ang pagsasagawa ng special audit sa pondo ng MWSS kasunod ng pagbubunyag ni Tena na nagbigay ang ahensiya ng P20 million sa tribo na nagkaloob ng FPIC nito.
“Parang padulas ito, they are using the carrot and stick method,” ani Zarate.
Subalit ipinaliwanag ni IP leader Thelma Aumentado na ang pera ay bahagi ng tulong ng MWSS sa tribu na naapektuhan ng konstruksiyon ng isa pang proyekto, ang Angat-Umiray project sa Quezon.