Nanawagan si Manibela Chairman Mar Valbuena sa mga kasamahang Public Utility Vehicle (PUV) driver at operator na huwag mabahala sa posibleng epekto ng inaasahang serye ng pagtaas ng presyo ng mga petroleum products sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Valbuena, sinabi niyang patuloy ang pakikipag-diyalogo ng Manibela sa pamahalaan para sa tulong na maaaring ipamahagi sa mga driver at mga operator.
Una nang kinumpirma ng pamahalaan na mayroong P2.5 billion na pondong nakahandang ipamahagi sa transport sector, kasabay ng pinangangambahang epekto ng lumalalang giyera sa Middle East.
Giit ni Valbuena, nakausap na niya ang mga kasamahan at napagkasunduang huwag sumali sa kilos-protestang ikinakasa ng iba’t-ibang transport group. Hindi rin aniya hihingi ang kanilang grupo ng dagdag-pasahe.
Sa halip ay hihintayin muna ng mga ito ang tulong na ipinangako ng gobiyerno ng Pilipinas at tuloy-tuloy lamang sa pamamasada.
Sa kabila nito, kung labis aniya na maapektuhan ang mga jeepney driver at operator sa labis na pagtindi ng sitwasyon sa Middle East at labis bumaba ang supply, daan upang lubhang tumaas ang presyo ng produktong petrolyo, maaari aniyang sumunod ding maghain ng fare hike petition ang grupo.
Kung sakali, maaaring hilingin aniya ang P1 across-the-board increase upang hindi labis na maapektuhan ang mga mananakay.