P2.6M financial grant matatanggap ng kabataang agripreneurs ng lalawigan ng Cotabatro
CENTRAL MINDANAO-Makakatanggap ng abot P2.6M financial grant mula sa Young Farmers Challenge (YFC) Program ng Department of Agriculture ang 55 mga kabataang agripreneurs mula sa lalawigan ng Cotabato.
Ito ay matapos pumasa ang kanilang isinumite at iprinisentang Business Model Canvass (BMC) sa isinagawang assessment and evaluation ng DA-XII na ginanap sa Amas Research and Experiment Station (AMRES), Brgy. Amas, Kidapawan City.
Abot sa 18 agripreneurs para sa individual category ang nakatanggap ng tig P50,000 financial grant at 17 grupo naman ang nakatanggap ng tig P100,000 na kanilang magagamit pandagdag puhunan para sa kanilang pagsasaka at pagnenegosyo.
Batay sa talaan na inilabas ng DA-XII, 79 na grupo at indibidwal mula sa rehiyon ang napiling maging grantees ng nasabing programa 35 rito ay mula sa Probinsya ng Cotabato, 13 mula sa Saranggani Province, mayroon namang 17 grantees ang South Cotabato, 11 sa Sultan Kudarat at 3 sa General Santos City.
Laking pasasalamat naman ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa mga kabataang agripreneurs ng probinsya dahil mas pinili pa rin ng mga ito ang pagpapahalaga sa gawaing pang-agrikultura sa kabila ng krisis na kinakaharap ng mga magsasaka ngayon.
Umaasa din ang gobernadora na sa pamamagitan ng YFC program ng DA ay mas marami pang kabataan sa probinsya ang mahikayat na pagyamanin ang kanilang bukirin at sakahan.
Ang YFC ay isang programa ng DA na may layuning magbigay ng paunang kapital sa mga kabataang indibidwal o grupo na nais magsimula ng negosyo na may kinalaman sa agrikultura at pangingisda na nakitaan ng ahensya ng mataas na profitability potential.
Nagpasalamat naman si Percie Joy Y. Gelera, 26, isang agripreneur mula sa Malasila, Makilala, Cotabato sa suportang natanggap niya mula sa provincial government na isa rin sa kanyang naging inspirasyon upang ipagpatuloy ang proyektong hydroponics farming ng lettuce na malaki ang potensyal sa pagpapataas ng ani at kita ng magsasaka.
“We would like to extend our hearthfelt thanks to Gov. Lala Taliño-Mendoza for supporting us. We hope that her office will continue to support the young farmers of the province,” wika ni Gelera.
Isa rin sa mga grantees ng programa si Chloe Villanueva, 22, ng Brgy. Poblacion, Kabacan, Cotabato, kung saan pagpaparami naman ng kambing ang kanyang naging libangan at ngayon ay siya na niyang pinagkakakitaan.
Ayon sa kanya ang P50,000 grant na natanggap niya mula sa DA ay malaki ang maitutulong at magagamit niya ito sa pagbili ng karagdagang kambing at pagpapaayos ng bahay ng mga ito.