Umaabot sa P2.4 billion halaga ng mga outdated at mamahaling mga laptops ang binili ng Department of Education (DepEd) para sa mga guro para sa implementasyon ng distance learning sa gitna ng covid-19 pandemic ayon sa Commission on Audit (COA).
Sa annual audit report ng COA para sa taong 2021, nadiskubre ang bilyun-bilyong halaga ng mga laptops na binili ng DepEd sa pamamagitan ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) kahit na maaaari namang makabili ng mas mura at mas magandang options sa merkado.
Saad ng COA na kakaunting laptops lamang ang nabili dahil sa pagbili ng mamahaling mga laptop kung saan nasa mahigit 28,000 mga guro ang nadeprived o hindi nabigyan ng naturang benepisyo.
Base din aniya sa initial feedbacks na nakalap mula sa auditors sa NCR at CAR, ang mga delivered laptop computers ng winning bidder ay sobrang mabagal dahil outdated ang processor at sobrang mahal ng presyo base sa specifications na nakaattached sa Memorandum ng DepEd.
Ayon din sa State auditors, sumang-ayon ang DepEd sa presyo at technical specification na ibinigay ng PS-DBM.
Paliwanag ng COA na base sa available documents, hindi malinaw para sa Audit team ang naging basehan ng PS-DBM para sa pag-adopt ng unit price na P58,300. Sa katunayan ang bilang ng laptops na bibilhin ay 68,500 units na binawasan at ginawang 39,583 units dahil sa mataas na presyo na nasa tinatayng P35,046 hanggang P58,300 batay sa rekomendasyon ng PS-DBM na tinanggap naman DepEd.
Kaugnay nito, pinagpapaliwanag ng COA ang DepEd kung bakit ito pumayag sa P58,300 laptop price per unit sa kabila ng initial approved amount ng DepEd na P35,046.50 lamang.
Sa panig naman ng DepEd, nagsumite na ito ng kaukulang mga dokumento bilang tugon sa findings ng COA bagamat sinabi ng COA na nabigo ang DepEd na magsumite ng komento sa iba pang rekomendasyon ng state auditors.