Inilahad sa House Committee on Justice ang mga alegasyon ni dating senador Antonio Trillanes IV na umano’y nakatanggap ang pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng kabuuang P181.6 million na sinasabing nagmula sa isang drug lord na kinilalang si Sammy Uy.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Trillanes na ang mga umano’y tsekeng na-encash ay napunta sa iba’t ibang miyembro ng pamilya Duterte, kabilang nariyan si Vice President Sara Duterte, na umano’y nakatanggap ng P22.3 million. Kasama rin sa listahan ang iba pang kapamilya na may iba’t ibang halaga ng transaksyon.
Giit pa ni Trillanes na ang mga ito ay maaaring maituring na “impeachable offenses” gaya ng betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang mabibigat na kaso.
Iniuugnay rin niya si Sammy Uy sa mas malawak na network na umano’y konektado sa mga dating isyu sa droga, kabilang ang mga personalidad na sina dating economic adviser Michael Yang at mga isyung nauugnay sa ilegal na droga at POGO operations.
Siniportahan naman ng mga alegasyon ang naging testimonya ni dating pulis SPO4 Arturo Lascañas ang umano’y ugnayan ng mga personalidad sa operasyon ng shabu laboratories sa Davao City.
Samantala, kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (Anti-Money Laundering Council o AMLC) na 18 transaksyon na nakasaad sa affidavit ni Trillanes ang tumutugma sa kanilang database, kabilang ang ilang transaksyong may kaugnayan umano kay Sammy Uy.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, ang mga natuklasan ay bahagi ng patuloy na pagbusisi ng komite sa mga alegasyon sa ilalim ng impeachment proceedings laban kay Sara Duterte.
Sa ngayon, patuloy pang sinusuri ng Kamara ang mga dokumento at testimonya bilang bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at iba pang paratang laban sa pamilya Duterte.
















