Nasa Php170- M donasyon ang ipagkakaloob ng Estados Unidos sa Pilipinas sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID) para suportahan ang vaccine rollout program ng pamahalaan.
Ito ang inanunsyo ni US Embassy Chargé d’Affaires John Law sa kanyang pagbisita sa isang vaccination site sa Kalookan kasama si USAID Philippines Mission Director Lawrence Hardy II.
Ang pondo ay gagamitin para sa pagpapalakas ng vaccine supply chain, pag-monitor ng kaligtasan ng bakuna, paglulunsad ng Information campaign sa pagpapabakuna at pag-suporta sa vaccination plan ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ngayon ay aabot na sa 1.3 bilyong piso ang tulong na naibigay ng Estados Unidos para kampanya ng Pilipinas kontra sa Covid 19.
Bukod dito, nag-commit ang Estados Unidos ng apat na bilyong dolyar sa COVAX facility, kung saan inaasahang makakakuha ng bakuna ang Pilipinas para sa 20 porsyento ng populasyon.