LEGAZPI CITY – Nag-alok ng reward money ang Municipal Peace and Order Council (MPOC) ng Caramoan, Catanduanes para sa makakapagbigay ng impormasyon sa mga suspek sa pamamaslang sa isang guro sa lugar.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na pinamumunuan ni Mayor Glenda Aguilar na mapapabilis ang pag-usad ng kaso ng pagpatay sa public school teacher na si Mel Rose Baloloy, 37.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. John Michael Miraflor, hepe ng Caramoran PNP, nasa P150,000 reward money ang inilatag ng LGU.

Ayon kay Miraflor, malaking tulong ang reward money sa imbestigasyon habang ibinalita na may ilan na ring nagtutungo sa police station para maglahad ng nalalaman subalit kailangan pang maberipika ang pahayag ng mga ito.

Tumanggi na rin ang hepe ibigay ang pangalan ng mga suspek habang inihahanda ang cartographic sketch ng mga ito.

Nanawagan pa ito ng kooperasyon ng komunidad sa paghahanap at paghuli sa mga suspek.

Matatandaang pinagnakawan muna hanggang sa pagsasaksakin ang guro sa loob ng sariling bahay habang nasaksihan naman ng 13-anyos na anak ang nangyari.