-- Advertisements --

Nasa kabuuang P11 milyong cash award mula sa Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinamahagi sa iba’t ibang unit ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom) at Western Mindanao Command (Westmincom).

Ang cash reward ay bilang pagkilala sa kanilang “significant accomplishments” laban umano sa mga high value targets ng New People’s Army (NPA).

Pinangunahan ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana at EastMinCom commander Lt. Gen. Greg Almerol ang pamamahagi ng nasabing gantimpala sa simpleng seremonya sa Naval Station Felix Apolinario Covered Court in Camp Panacan, Davao City kahapon.

Ang mga unit ng Eastmincom na pinagkalooban ng gantimpala ay ang 11th Intelligence & Security Unit ng Army Intelligence Regiment na tumanggap ng P5 milyon; Military Intelligence Group–16 na tumanggap ng P2 milyon; at 67th Infantry Battalion na tumanggap ng P2 milyon.

Habang tumanggap naman ng P2 milyon ang 90th Infantry Battalion, 6th Infantry Division ng Western Mindanao Command.

Nagpasalamat si Gen. Sobejana sa pangulo sa pagkilala sa sakripisyo ng mga sundalo, kasabay ng pagsabi na kahit walang gantimpala ay laging handa ang mga tropa na gampanan ang kanilang tungkulin at protektahan ang mga mamamayan sa anumang banta.