-- Advertisements --

Inihayag ng prosekusyon na isa sa nais nilang mailantad matapos ang mga tesimonya ng mga iprinisenta nilang testigo sa mga nagdaang araw ng pagdinig ang katotohanan sa likod ng kontrobersyal na confidential funds na sinabing inilaan sa Youth Leadership Summit (YLS) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kaugnay ito ng isinumiteng accomplishment report ng Department of Education (DepEd) kung saan iginiit nitong nakatanggap ng pondo ang militar para sa nasabing programa. Gayunman, mariin itong pinalagan at itinanggi ni Col. Manaros Boransing sa kaniyang testimonya sa ika- dalawampu’t araw ng impeachment trial, kung saan sinabi niyang walang kahit anumang pondong natanggap ang kaniyang yunit mula sa Department of Education (DepEd).

Iginiit pa ni Col. Boransing na ang mismong sariling pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang ginamit para sa nasabing mga aktibidad, bukod pa sa mga natanggap na karagdagang suporta at tulong-pinansyal mula sa mga kaugnay na local government unit (LGU).

Ayon kay Rep. Renee Co malinaw na may naganap na paglabag at pambabalahura sa public trust o tiwala ng bayan sa maling paggasta ng pera ng taong bayan ng opisinang pinamunuan ni Vice President Sara Duterte na nailatag umano ng prosekusyon sa nagpapatuloy na pagdinig.

Dagdag pa ni Co, hindi ito bastang desisyon lamang sa staff level sapagkat ang lahat ng mga transaksyong may kinalaman sa pondo sa ilalim ng pamumuno ni Duterte ay nangangailangan ng kaniyang direktang pag-apruba.

Matatandaang sa ginanap na pagdinig kahapon, sa testimonya ng dating Department of Education (DepEd) Undersecretary na si Atty. Michael Poa na isinailalim bilang hostile witness lumabas na batid ng Bise Presidente ang mga hakbang at transaksyong nagaganap sa kaniyang tanggapan.