-- Advertisements --

Iginiit ng Lead Defense Counsel na si Atty. Sheila Sison na hindi kailanman papayag ang kabilang kampo na sabihing walang nailabas o naibahaging confidential information o intelligence information ang Department of Education (DepEd) sa ilalim ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte gamit ang confidential funds.

Paliwanag ni Sison, hindi totoo ang mga lumalabas na pahiwatig na ang mga sertipikasyong inisyu ng ilang opisyal ng Philippine Army ay hindi patunay ng matagumpay na intelligence-gathering o confidential operation.

Dagdag pa ng abogado, malinaw na nakasaad sa mga dokumento na naging matagumpay ang kolaborasyon ng pamunuan ng militar at ng DepEd dahil walang naitalang rekrutment ng mga Communist Terrorist Group (CTG) sa hanay ng mga mag-aaral.

Samantala, muling inusisa ng private prosecutor na si Atty. Reynaldo Robles si Armed Forces of the Philippines (AFP) Col. Manaros Boransing II kaugnay ng inisyu nitong sertipikasyon na ipinasa naman ng DepEd sa Commission on Audit (COA).

Binigyang-diin ni Robles sa pagdinig na ipinalabas lamang ang naturang dokumento bilang isang certificate of attendance para sa mga nakilahok sa aktibidad ng militar, na kinumpirma rin naman ng opisyal.

Kasunod nito, deretsahang tinanong ng abogado si Boransing kung kailan nito natuklasang ginamit ang naturang sertipikasyon upang maipasa umano sa COA ang P15.54 milyong confidential funds bilang pambayad sa mga imbentaryo o rewards ng DepEd.

Mabilis namang umapela at tumutol ang defense lawyer na si Atty. Lindon Bacquel sa pagsasabing walang malinaw na basehan ang paksa ng tanong, subalit iginiit ng prosekusyon na ang mga paksang ito ay bahagi na ng opisyal na rekord at dokumento sa paglilitis.