-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na mahigit 16,000 katao ang kanilang naaresto at higit P11 billion na halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng pulisya sa unang tatlong buwan ng 2026.

Sa inilabas na pahayag ng PNP noong Miyerkules, sinabi nito na nakapagsagawa sila ng kabuuang 14,550 anti-narcotics operations mula Enero 1 hanggang Marso 30, na nagresulta sa pagkakaaresto ng kabuuang 16,784 indibidwal sa buong bansa.

Kabilang sa mga nakumpiskang illegal drugs ang 619.82 kilo ng shabu, 2,800 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana, 619,820 tanim na marijuana, 1.816 kilo ng cocaine, 166 kilo ng ecstasy, at mahigit 4,000 kilo ng kush o high-grade marijuana.

Ayon sa PNP, umaabot sa higit P11 billion ang kabuuang halaga ng mga nasabing kontrabando.

Sinabi ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. na patunay ang mga resulta ng tuloy-tuloy at epektibong kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.

Dagdag pa niya, ipagpapatuloy ng PNP ang kanilang “bloodless campaign” na nakatuon sa pagsasagawa ng mga operasyon na nagpoprotekta sa komunidad habang iginagalang ang karapatang pantao ng mga ito.

Hinimok din ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag, agad iulat ang anumang ilegal na aktibidad, at makiisa sa pagpapanatili ng ligtas at drug-free na mga komunidad.