-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinumpirma ni dating Department of Health (DOH) Sec. Janette Garin na kumonsulta sa kanya ang namayapang si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III hinggil sa kanyang karamdaman na renal disease.

Ang nasabing sakit ang naging dahilan ng pagkamatay ng dating pangulo kahapon, June 24, sa edad na 61.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Garin, sinabi nito na “tolerable and manageable” naman ang renal disease ngunit nanghihina ang pangulo dahil sa kalungkutan dala ng coronavirus pandemic.

Dagdag pa ng ngayo’y Iloilo 1st District representative, mismong si P-Noy ang nagdesisyon na itigial na ang kanyang mga dialysis sessions.

Biglang pumayat din aniya ang pangulo dahil nawawalan ito ng ganang kumain.

Ngunit sa kabila ng naging sitwasyon ng dating, naiisip pa rin daw nito ang mga Pilipino dahil sa tuwing hihikayatin itong magpabakuna kontra coronavirus, palagi niyang sinasabi na unahin ang mga Pinoy na mas kailangang magpabakuna.