Inilatag ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga hakbang na ginawa ng kanyang tanggapan sa nakalipas na higit isang buwan para sa mga apektado ng ipinatupad na quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa isang video message sinabi ni VP Leni na umabot na sa P57.23-milyon ang halaga ng donasyon na natanggap ng Office of the Vice President at donation drive ng partner organization nitong Kaya Natin mula March 13.
Ang nasabing halaga ay kaya raw makabili ng 129,897 personal protective equipment (PPE) sets at 15,534 food and care packages.
Sa ngayon daw kasi may 7,764 packages nang naipamahagi ang OVP, habang halos 100,000 PPE sets na ang naihatid sa 552 facilities.
“Dahil sa kakulangan ng supply, nagpagawa din tayo ng mga locally-designed PPE; nakapagbahagi na tayo ng 1,245 nito bilang tulong sa mga frontliner, pati na sa mga mananahing Pilipino. Mas mainam din ang mga reusable PPE na ito dahil hindi sila kailangang itapon agad matapos ang isang gamitan.”
Inanunsyo ng bise presidente na hanggang April 30 na lang tatakbo ang kanilang donation, drive pero regular pa rin daw na mag-uulat ang kanyang tanggapan sa social media.
“Sinimulan natin ang donation drive upang punan ang mga pangangailangang hindi agad kayang tugunan ng gobyerno.”
Nagpasalamat si VP Leni sa lahat ng nagpaabot ng donasyon sa nakalipas na buwan, kasabay ng pagtitiyak na naipamahagi ito ng pantay sa mga nangangailangan.
Bukod sa PPE at care packages, nakapagbukas din ang OVP ng 12 dormitoryo para sa medical frontliners, shuttle service at test kits.
Kamakailan nang bumili rin ang tanggapan ni Robredo ng locally-developed COVID-19 test kits na nakatakdang ipamahagi sa mga certified testing laboratories.