-- Advertisements --

Tinanghal na Best Picture ang “Parasite” ng South Korea sa katatapos lang na 92nd Academy Awards o mas kilala bilang The Oscars na ginanap sa Los Angeles.

Maliban dito, naibulsa rin ng nasabing black comedy thriller film ang Best Original Screenplay, Best Foreign Language Film, at Best Director para kay Bong Joon-ho.

Tinalo nito ang mga bigatin ding contender gaya ng American epic crime film na “The Irishman,” drama film na “Marriage Story,” psychological thriller film na “Joker,” at epic war film na “1917.”

Samantala, mula sa kanilang 10 nominasyon ay tatlo ang nasungkit ng “1917” kabilang ang Best Cinematography, Sound Mixing at Visual Effects.

Joker Joaquin Phoenix
Joaquin Rafael Phoenix, 45 years old.

Nakadalawa naman ang “Joker” bilang Best Original Music Score, at Best Actor para kay Joaquin Phoenix.

Una rito, naging exciting agad ang pagsisimula ng prestihiyosong awards ceremony kung saan kabilang sa maagang ginawaran ng Oscar trophy bilang best supporting actor ay ang “Hollywood heartthrob” na si Brad Pitt.

Ito kasi ang unang Oscar acting award ng 56-year old actor para sa comedy-drama film na “Once upon a Time … in Hollywood,” bagama’t noong 2013 ay nanalo na rin ito bilang producer ng “12 Years a Slave.”

“This is for my kids, who color everything I do. I adore you,” bahagi ng acceptance speech ng dating asawa ng Hollywood star ding si Angelina Jolie.

Samantala, ilan pa sa mga winner ay ang “Toy Story 4” na Best Animated Feature Film; sports drama film na “Ford vs Ferrari” na Best Sound and Film Editing; Best Original Song ang “(I’m Gonna) Love Me Again” ni Elton John; Best Actress si Renée Zellweger sa biographical drama film na “Judy.”

Nagbigay-kulay sa seremonya ang performance ng rapper na si Eminem at ng “Let It Go” singer na si Idina Menzel.

Muli ring inalala sa Oscar Awards ngayong taon ang legendary actor na si Kirk Douglas sa pangunguna ng daughter-in-law nitong si Catherine Zeta-Jones.

Kung maaalala, best picture ang “1917” sa Golden Globes nitong Enero na siyang kickoff ng awards season sa Hollywood kung saan ang mga nananalo rito ay sinasabing malaki rin ang tiyansa na maging big winner sa Oscar Awards.

Noong 2019, best picture ng Oscars ang American biographical comedy-drama film na “Green Book.” (CNN/TheAcademyAwards Twitter)