-- Advertisements --

Itinakda ng isang korte sa Quezon City ang oral arguments sa grave threats case laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kontrobersyal niyang pahayag tungkol sa pagpatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at dalawang iba pa.

Ayon sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98, gaganapin ang hearing at oral arguments sa Agosto 20, alas-8:30 ng umaga.

Tatlong counts ng grave threats ang isinampa laban sa Bise Presidente.

Nauna nang sinabi ng Department of Justice na nagsampa ito ng isang kaso sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.

Una nang hulmiling ang kampo ni VP Sara na ibasura ang kaso, dahil umano sa kawalan ng hurisdiksyon ng korte.

Ayon sa korte, iginiit ng Bise Presidente na maaaring magkaroon ng malubha at malawak na epekto ang kaso sa legal system sa bansa.

Nag-ugat ang kaso sa pahayag ni VP Sara noong 2024, kung saan sinabi niyang nag-utos siya sa isang tao na patayin si Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling matuloy umano ang isang planong pagpatay laban sa kanya.

Gayunpaman, sinabi ng Bise noon na ang kanyang mga pahayag ay isang ”taken out of logical context.”