Hindi haharangin ng opposition senators ang anumang posibleng ipatawag na special session para sa mga nabiting panukalang batas.

Kabilang sa mga ito ang Bayanihan to Recover as One, kung saan nakapaloob ang pagbibigay ng dagdag na pondo para sa mga hakbang ng gobyerno para labanan ang COVID-19.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, batid nila ang kahalagahan ng ilang panukala, ngunit hindi naman aniya iyon nasertipikahang urgent kaya ng Malacanang kaya hindi nila maaaring madaliin ang proseso ng pagpasa.

Gayunman, tiwala ang mambabatas na may iba pang mapagkukunan ng pondo na maaaring i-realign sa mga prioridad na proyekto ng pamahalaan.

Kamakailan, sinuri naman ni Sen. Panfilo Lacson ang mga hindi nagamit na alokasyon sa ilang ahensya ng gobyerno at nakitang maaari pa itong magamit sa COVID-19 related projects.