Abiso sa mga mananakay ng Light Rail Transit Line 2 at Metro Rail Transit Line 3 dahil babawasan ang operating hours bukas, Disyembre 31, bisperas ng Bagong Taon.
Ayon sa Light Rail Transit Authority, ang huling biyahe ng LRT-2 mula Antipolo Station ay aalis ng alas-7 ng gabi, habang ang huling tren mula Recto Station ay bibiyahe ng alas-7:30 ng gabi.
Ang unang biyahe mula sa parehong istasyon ay alas-5 ng umaga, at babalik sa regular na operasyon sa Enero 1, 2026.
Samantala, para sa MRT-3, ang huling tren mula North Avenue Station ay aalis ng alas-7:45 ng gabi, habang ang huling biyahe mula Taft Avenue Station ay alas-8:23 ng gabi.
Ang unang biyahe mula North Avenue ay alas-4:30 ng umaga, at mula Taft Avenue ay alas-5:05 ng umaga.
Sa Enero 1, ang unang biyahe ng MRT-3 mula North Avenue at Taft Avenue ay alas-6:30 ng umaga. Ang huling tren ay aalis ng alas-10:30 ng gabi mula North Avenue at alas-11:09 ng gabi mula Taft Avenue.
Pinapayuhan ng pamunuan ng LRT at MRT ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang biyahe upang maiwasan ang abala sa pagsalubong ng Bagong Taon.
















