Hindi sapat ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo ang P5,000 cash assistance na ibibigay ng pamahalaan sa mga magsasaka sa darating na Disyembre.
Ayon kay Quimbo, P8,000 ang kadalasang kinikita ng mga magsasaka kada buwan kung naibibenta sana ang kanilang aning palay sa wasto at patass na presyo.
Wala pa aniya sa kalingkingan ng binunong pawis ng mga magsasaka ang P5,000 ayuda na ibibigay sa kanila.
Kaya kung gusto talaga ng pamahalaan na makatulong sa mga ito, sinabi ni Quimbo na dapat gawing buwanan ang ibibigay na P5,000 at hindi isahan lamang.
“Nasa ICU (intensive care unit) na ang buhay ng ating mga magsasaka. Pang-mahabang gamutan ang kanilang kailangan at hindi Paracematol lang tulad ng ibinibigay ng pamahalaan,” ani Quimbo.
Ngayong pumalo na sa mahigit P10 billion ang taripang nakolekta mula sa mga inangkat na bigas, iginiit ng kongresista na pinapahintulutan ng Rice Tariffication Law ang pagbibigay ng cash grant.
Samantala, insulto para sa mga magsasaka sa bansa ang plano ng pamahalaan na bigyan sila ng P5,000 cash assistance pagsapit ng Disyembre.
Ang dapat na gawin ng gobyerno ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, ay maglaan na lamang ng P15 billion pondo para sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka sa bansa.
Kung tutuusin, hindi kakasya ang P5,000 para makabawi sa matinding pagkalugi na ibabot ng mga magsasaka dahil sa pagbaha ng mga imported na bigas bunsod nang pagsasabatas ng Rice Tariffication Law.
Bago pa man mag-break ang sesyon ng Kongreso, naghain ang mahigit 50 kongresista ng House Joint Resolution No. 18 para maglaan ng P15 billion supplemental budget sa National Food Authority.
Anila, eksklusibo itong gagamitin sa pagbili ng mga palay ng local farmers sa halagang bente pesos kada kilo.