KALIBO, Aklan—Ipapatupad simula ngayong araw ng Lunes ang one entry, one exit policy, magtatalaga ng dagdag na police officers during session sa mismong labas ng session hall at susuriin din ang lahat ng mga empleyado at guest na papasok sa municipal hall ng lokal na pamahalaan ng Ibajay, Aklan
Ang pahayag ni Ibajay mayor Jose Miguel Miraflores ay kasunod sa pagbaril-patay kay Vice Mayor Julio Estolloso ng mismong kaalyado at konsehal ng bayan na si Mhirel Senatin upang maiwasan na muling mangyari ang kagaya nitong insidente na ikinagulat at ikinalungkot ng mamamayan ng Ibajay at buong lalawigan ng Aklan.
Ayon pa sa alkalde, nawalan ng tapat na opisyal ang mga mamayan at walang kahit anumang bahid ang pagkatao ng dalawang pulitiko pagdating sa trabaho at panunungkulan sa bayan.
Sa kasalukuyan ay naka-half mast ang bandila sa municipal hall bilang pakikiramay at pagpapakita ng kalungkutan sa nasabing insidente.
Samantala, tinitingnan na motibo sa insidente ay ang kinikimkim na sama ng loob ng konsehal sa bise alkalde batay sa kaniyang salaysay sa pulisya.
Ayon kay P/Maj. Rajiv Salbino, hepe ng Ibajay Municipal Police Station na tumugma ang kaniyang unang sinabi sa naging salaysay nito sa follow up investigation ng awtoridad.
Itinuturing ngayon na case solved ang insidente dahil naaresto ang salarin sa krimen at nainquest na sa kasong murder na kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng pulisya.