Isang tauhan ng Office of the Ombudsman ang nahaharap ngayon sa disciplinary investigation matapos ang naging pagkukulang sa pagproseso ng counter-affidavit na inihain ni Senator Robin Padilla kaugnay ng reklamong obstruction of justice.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, napatunayang naghain si Padilla ng kaniyang counter-affidavit, taliwas sa naunang pahayag na hindi umano nito sinunod ang utos ng Ombudsman.
Paliwanag pa ng Ombudsman na nagkaroon ng pagkukulang sa dokumentasyon matapos umanong hindi mai-log sa Central Records ang isinumiteng dokumento at sa halip ay direktang naipadala ito sa investigating division.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na sumulat na siya kay Padilla upang ipaliwanag ang nangyaring aberya.
Aniya, seryosong paglabag ang hindi tamang pagproseso ng mga dokumento sa isang tanggapan tulad ng Ombudsman kaya isinailalim na sa disciplinary investigation ang personnel na sangkot.
Matatandaan na ang reklamong obstruction of justice laban kina Padilla, Senator Alan Peter Cayetano, at dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ay inihain ng Tindig Pilipinas kaugnay ng umano’y pagtulong kay Senator Ronald ”Bato” dela Rosa na makaiwas sa arrest warrant ng International Criminal Court.
















