Nakikita ng Office of the Ombudsman na mapalalakas ng pagtestigo ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ang mga kaso laban kina Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez at dating Senador Ramon Revilla Jr. kaugnay ng umano’y flood control scam.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, mahalaga ang testimonya ni Bonoan dahil wala umanong paper trail ang malawakang korapsyon at siya mismo ang nakipag-ugnayan sa mga kongresista at opisyal ng gabinete.
Aniya, minanipula umano ang budget ng DPWH at ang mga mambabatas ang nagdidikta sa sistema.
Nauna nang sinabi ng Ombudsman na may probable cause upang sampahan si Romualdez ng kasong plunder, direkta at hindi direktang panunuhol, at money laundering kaugnay ng umano’y P56-bilyong kickback sa flood control projects. Itinanggi naman ito ni Romualdez.
Sinabi rin ni Clavano na isinaalang-alang ang edad at kalagayan ng kalusugan ng 80-anyos na si Bonoan, at mas mahalaga umanong magamit ang kanyang testimonya upang mapanagot ang mga nasa likod ng isa sa pinakamalalaking umano’y anomalya sa pondo ng pamahalaan.
















