Kumpiyansa si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na babalik sa Pilipinas sina Senator Loren Legarda at ang anak nitong si Batangas Rep. Leandro Leviste, matapos silang umalis ng bansa habang nahaharap sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.
Kaugnay ng mga reklamong plunder at graft laban kay Leviste at sa kanyang renewable energy company.
Ayon kay Remulla, naniniwala siyang babalik ang mag-ina sa bansa. Ngunit nagbabala siya na maaari silang humarap sa kaukulang legal na hakbang kung hindi sila uuwi.
“Baka gusto nilang umuwi na nakaposas ‘pag hindi sila, bumalik, hindi ba?” ani Remulla.
Samantala, nilinaw ni Senator Loren Legarda na ang kanyang pag-alis ng bansa ay bahagi ng nauna nang inaprubahang medical leave mula Agosto 3 hanggang 5, alinsunod sa mga patakaran ng Senado.
Hiniling din niya sa publiko na huwag iugnay ang kanyang biyahe sa mga aniya’y walang basehang paratang laban sa kanya.
“I ask the public not to draw unwarranted conclusions from my travel or link it to the recent false and baseless allegations, which undeservedly besmirch a reputation that I have built over decades of public service,” pahayag ng senadora.
Nauna namang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na bumiyahe si Legarda patungong France, habang si Leviste naman ay dumaan muna sa Hong Kong bago nagtungo sa France.
Kaugnay nito, nagsampa na rin ng reklamo ang Department of Energy sa Department of Justice laban kay Leviste at ilang opisyal ng Solar Para sa Bayan Corporation dahil umano sa kabiguang maghatid ng suplay ng kuryente sa mga liblib na lugar sa bansa, gaya ng nakasaad sa kanilang prangkisa.
















