-- Advertisements --

MANILA – Umapela na rin ang independent group na OCTA Research sa pamahalaan na dagdagan pa ang pwersa ng healthcare workers sa Metro Manila dahil sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Sa isang press briefing, sinabi ng grupo na maaaring ipadala ng pamahalaan sa National Capital Region ang healthcare workers mula sa “low-risk” areas o mga lugar na may mabababang kaso ng coronavirus.

“We urge the national government to consider transporting nurses and other health care workers from low-risk regions in the country to the NCR to assist their colleagues who are struggling with the ongoing surge in the capital,” ayon sa OCTA.

Ilang ospital na sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ang nag-ulat na napupuno na sila ng mga pasyente ng COVID.

May ilang pang nag-report na “full capacity” na ang kanilang pasilidad.

Bukod sa napupuno nang kapasidad ng health facilities, ilang pagamutan na rin ang nag-anunsyo na marami sa kanilang healthcare workers ang tinamaan ng coronavirus.

Batay sa huling tala ng Department of Health, aabot na sa 82 medical frontliners ang namatay dahil sa COVID. Tinatayang 644 naman ang nananatiling active case o hindi pa gumagaling.

“It’s high time that government finds a way to ensure that they are not just remunerated but they are well-protected and taken care of when they get sick,” ani Prof. Ranjit Rye ng OCTA.