-- Advertisements --

Kumunti ang mga observer sa ikaapat na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes, Hulyo 13, 2026 kumpara noong nakaraang linggo.

Sa pagpapatuloy ng paglilitis bandang alas-2:00 ng hapon kahapon, walang laman ang maliit na bahagi lamang ng espasyong inilaan para sa mg public observer gayundin sa mga panauhin ng depensa at prosekusyon.

Sa simula rin ng trial, tanging 18 senator-judge ang naitalang present. Lumiban sa paglilitis si Senator-judge Francis Pangilinan maliban pa sa tatlong senador na sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Jinggoy Estrada na nasa kustodiya ng pulisya dahil sa kani-kanilang kinakaharap na mga kaso at Sen. Ronald dela Rosa na hindi pa rin nagpapakita sa publiko matapos ang Senate shooting incident noong Mayo.

Hindi naman inisyal na naibilang sa 18 senador na present si Senator-Judge Alan Peter Cayetano matapos dumating dakong alas-2:10 na ng hapon. Bandang alas-sais naman ng gabi dumating si Sen. Loren Legarda, kayat sa kabuuan nasa 20 senador ang naitalang dumalo sa paglilitis nitong Lunes.

Subalit hindi ito nagtagal dahil unti-unting umalis ang ilang bisita maging ang ilang senator-judge sa loob ng anim na oras na pagdinig kahapon, na natapos bandang alas-8:12 na ng gabi.

Namataan naman si dating Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na nakikipag-usap kina Senador Alan Peter Cayetano, Bong Go, at Robin Padilla matapos ang proceedings.