-- Advertisements --

Muling binigyang-diin ng Police Regional Office 10 o Northern Mindanao Police na tahimik at mapayapa ang buong rehiyon ng Northern Mindanao.

Ito ang ginawang pagpawi ng kapulisan sa pangamba ng publiko kasunod ng inilabas na travel advisory ng Canadian government na nagbabawal sa mga mamamayan nito na magtungo sa ilang lugar a bansa partikular na Mindanao.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PRO 10 regional director PBGen. Ricardo Gonzales Layug Jr. na patuloy aniya silang nagsusumikap sa pagpapababa ng krimen sa kanilang lugar dahilan kung bakit kumpiyansa aniya siya sa seguridad ng mga lugar na kaniyang nasasakupan.

Kasunod nito ay hinimok din niya ang mga turista mapa-international o lokal man na bumisita sa Northern Mindanao.

Matatandaan na una na ring inalmahan ni Cagayan de Oro Cong. Rufus Rodriguez ang inisyung travel ban ng gobyerno ng Canada sa kaniyang home region na Mindanao at tinawag na unfair.

Dahil dito ay hinimok niya ang concerned security at foreign affairs officials na makipagkita sa mga kinatawan ng gobyerno ng Canada para ipaliwanag ang sitwasyon sa katimugang bahagi ng bansa.

Kaugnay nito, umapela ang mambabatas ang Canada partikular na kay Ambassador David Hartman na irekonsidera ang kanilang inisyung travel advisory at i-reassess ang sitwasyon sa usaping pangkapayapaan at seguridad sa Mindanao.