-- Advertisements --

Maaaring umabot pa ng tatlong taon bago tuluyang manumbalik ang normal population growth ng ating bansa.

Ito ang sinabi ni Commission on Population and Development (POPCOM) head, Undersecretary Juan Antonio Perez III, kasunod ng naitalang pagbaba ng mga ikinakasal, nagbubuntis at nanganganak mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Perez, may positibo at negatibong epekto ito para sa lipunan.

Ang kagandahan umano ay natuto ang marami na mag-family planning sa natural na paraan at mas natutukan din ang kalusugan ng mga isinisilang na sanggol.

Habang ang “down side” naman ay posibleng dumating ang panahon na kakaunti ang papasok sa mga paaralan at kalaunan ay magsisipagtapos mula sa batch ng mga batang ipinanganak mula sa taong 2020, 2021 at 2022.

Naniniwala rin ang POPCOM na kahit matapos na ang pandemya, marami pa rin ang hindi agad magsisipagbuo ng pamilya dahil sa naranasang hirap sa kasagsagan ng pagkalat ng COVID-19.