-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-10) ang nobya ng kinikilalang kilabot na pinuno ng notorious na Fajardo criminal gang na nasa likod ng malawakang panghoholdap ng mga bangko at mga kaso ng pagpatay sa ilang probinsya sa Luzon at National Capital Region (NCR).

Kasunod ito ng paghahain ni CIDG regional director, Col. Reymund Ligudin ng mga kaso laban kay Richelle Manaig na una nang natukoy na kasintahan ng napatay na si Marvin Fajardo alyas Patrick Go na taga-Batangas.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Ligudin na kasong paglabag sa illegal possession of firearms, harboring criminal at direct assault ang inihain nila kay Richelle, 25, at maging sa kanyang kapatid na si Irish, 33, sa piskalya sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Ayon kay Ligudin, wala mang partisipasyon ang magkapatid sa shootout sa pagitan nina Fajardo at ng mga otoridad pero kinasuhan ang mga ito dahil sa pagtangka nilang makatakas.

Natuklasan na matagal nang magkakilala ang ina ng magkapatid at si Fajardo kaya sila ang nagbigay daan para makapagtago ito ng ilang buwan sa isang high-end subdivision mula sa mga kinauukulan.

Dagdag ni Ligudin na inaantay na lamang nila ang pagresolba ng prosekusyon upang alamin kung alin sa mga isinampang mga kaso ang magtatagumpay sa korte.

Si Fajardo, kasama si Andrew Redondo at alyas Adrian, ay namatay nang manlaban umano sa mga otoridad na dadakip sana sa kanila sa loob ng isang bahay sa bahagi ng Barangay Lumbia noong nakalipas na linggo.