Mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang “no permit, no rally” policy kasabay ng ika-34th na anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.
Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, ipinauubaya na niya sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang paglalatag ng security at contingency measures kaugnay sa mga isasagawang kilos protesta ng iba’t ibang grupo.
Ayon kay Gamboa, malayang bansa ang Pilipinas kaya malayang magpahayag ng saloobin ang sinuman alinsunod sa batas.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Gamboa ang publiko na maging laging mapagbantay sa posibleng banta.
Giit ng opisyal kapag may napansin ang publiko ng mga kahina-hinalawang indibidwal at mga bagay, huwag mag-atubiling ipagbigay alam sa mga otoridad .
Kumpiyansa si Gamboa na hindi makakalikom ng malaking pwersa ang mga nasa likod ng planong patalsikin ang pangulo sa pwesto.
Ito’y sa gitna ng mga banta ng mga kontra sa pamahalaan na uulitin nila ang ginawa noong 1986 People power revolution para mapatalsik ang Pangulo.
Ayon kay Gamboa, masaya naman ang mga mamayan sa pamamalakad ng Pangulo base sa mga survey, kaya hindi nababahala ang PNP sa mga magra-rally sa EDSA bukas.
Binigyang diin ni Gamboa, kung walang supporta ng pulis at militar, ang anumang tangkang pabagsakin ang gubyerno ay hindi magtatagumpay.