-- Advertisements --

Siniguro ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagbabantay sa epekto ng nasirang rubber gate ng Angat Afterbay Regulator Dam na mas kilala sa tawag na Bustos Dam.

Kahapon (may 1), nang kinumpirma ng NIA na nagkaroon ng sudden deflation o biglaang pag-impis ng Rubber Gate No. 3 naturang dam.

Pero batay sa inilabas na pahayag ng NIA, kasunod na rin ng paunang pagsusuri ng NIA-Bulacan Irrigation Management Office (IMO) Operations and Maintenance Team, mababa ang pressure ng tubig noong panahon na nangyari ang insidente.

Dahil dito, wala umanong agarang banta sa istruktrura at kaligtasan ng mga kalapit na pamayanan, sa kabila ng pagbulwak ng tubig mula sa naturang dam.

Siniguro rin ng NIA na kasalukuyan nang ipinatutupad ang mga nararapat na hakbang para sa containment at pagkukumpuni upang magtuluy-tuloy pa rin ang serbisyo sa irigasyon para sa mga magsasaka.

Tinitiyak din ng NIA na walang dapat ikabahala ang publiko dahil mababa ang kasalukuyang level ng tubig sa dam. Hindi rin umano ito magiging sanhi ng malawakang pagbaha.

Una na ring nakipag-ugnayan ang NIA sa mga lokal na pamahalaan para maabisuhan ang mga ito sa epekto ng nasirang dam.

Ang Bustos Dam ay konektado sa Angat River na dumadaloy sa mga munisipalidad ng Angat, Bustos, Calumpit, Hagonoy, Norzagaray, Paombong, Plaridel, Pulilan, at San Rafael, hanggang sa syudad ng Baliwag, Bulacan.