CENTRAL MINDANAO – Nasa maselang kondisyon ang isang kawani ng National Irrigation Administration (NIA-12) dahil sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Bryan Aman Maliganan, 35, may asawa at residente ng Brgy Batulawan, Pikit, North Cotabato.
Ayon kay Pikit chief of police, Captain Mautin Pangandigan, lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo sa national highway sa Brgy Batulawan sa bayan ng Pikit nang maipit ito sa traffic nang biglang dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga namaril patungo sa liblib na lugar sa Pikit.
Agad ding nadala ang biktima sa Cadulong Medical Hospital ngunit inilipat din sa isang malaking pagamutan sa Kidapawan City dahil sa maselang tama nito sa ulo at likod.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pikit PNP sa pamamaril sa biktima.