Hinimok ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) Pres. Allan Panolong ang mga sasabak sa 2026 Bar Examinations ngayong Setyembre na magtiwala sa kakayahan at sa sarili.
Hindi aniya maitatanggi na mayroong kinakabahan o nagpa-panic, ngunit normal lamang aniya na nangyayari o nararamdaman ang ganitong emosyon kapag sasabak sa isang pagsusulit, tulad ng Bar Exams na tinaguriang pinakamahirap na pagsusulit sa bansa.
Normal din aniya na nebyosin o kabahan, ilang oras bago ang exam, ngunit payo ng IBP president, maging kalmado at taimtim na manalangin para sa ikatatagumpay ng pagsusulit.
Paalala pa ng batikang abogado, kusang lalabas ang lahat ng mga napag-aralan ng mga examinee, kapag nasa testing center na ang mga ito.
Samantala, sa kasalukuyan ay wala namang namomonitor ang Bar Examination Committee na anumang banta sa seguridad sa mga itinalagang testing center.
Wala din aniyang nakikita ang komitee na anumang banta ng cheating o pandaraya, kasabay ng paalala sa mga examinee na ‘walang puwang’ sa propesyong pagka-abogasya ang sinumang nagbabalik mag-cheat o mandaya para lamang maging abogado.
Sa kabilang banda, pinuri rin ni Atty. Panolong ang inisyatiba ng Supreme Court na palawakin pa ang mga testing center para mas madaling ma-access ng mga magsusulit.
Ngayong taon ay mayroong 15 testing center na itinalaga sa buong bansa.
Ayon kay Atty. Panolong, malaking tulong ang mas maraming testing center upang hindi na mahirapan pa ang libu-libong examinees na pumunta pa sa Manila, tulad noong mga naunang panahon.
















