-- Advertisements --

Nanawagan ang National Food Authority (NFA) sa mga trader na huwag baratin ang mga magsasaka sa pagbili ng palay o hindi pa giniling na bigas.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, may mga lugar na bumibili lang umano ng palay sa halagang P11.50 hanggang P15 ang kada kilo, masyadong mababa kumpara sa puhunan ng mga magsasaka na umaabot sa P12 hanggang P14 ang kada kilo.

Base sa mga nakaraang procurement ng NFA napagalaman na bumibili ito ng clean at dry na palay sa presyong P23 hanggang P30, habang ang fresh at wet na palay naman ay nasa P17 hanggang P23 kada kilo.

Paliwanag ni Lacson ang dahilan ng pagbagsak ng presyo ay dahil aniya sa pananakot na ginagawa ng ilang mga trader dahil sa puno ang bodega ng NFA.

Dagdag pa rito ang pagbaba ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado, na sinusundan ng mga local millers.

Upang matulungan ang mga magsasaka, nagbigay ng espasyo ang NFA sa mga bodega ng San Ildefonso, Bulacan. Bibilisan ang pagtatayo at pagkumpuni ng 134 na bodega para tumaas ang kapasidad ng imbakan ng palay.

Una rito, bumili narin ang NFA ng 14 truck para direktang makabili ng palay sa mga lugar na mababa ang presyo, at plano pang magdagdag ng 600 truck hanggang sa taong 2028.

Sa ngayon, nakabili na ang NFA ng 4.6 milyong sako ng bigas, mas mataas sa kanilang target na 3.6 milyon.

Layunin ng NFA na protektahan ang kita ng mga lokal na magsasaka at matiyak ang sapat na buffer stock ng bigas sa bansa.