Posibleng ang Netherlands ang magsisilbing “host country” o bansang tatanggap kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling payagan siya ng International Criminal Court (ICC) na pansamantalang makalabas ng kulungan, ayon kay Atty. Maria Kristina Conti, assistant to counsel sa ICC.
Ayon kay Atty. Conti, nakasaad sa court records na unang ilalabas ang dating Pangulo sa Dutch territory dahil dito rin matatagpuan ang ICC. May mungkahing maaari na rin siyang manatili sa Netherlands sa ilalim ng house arrest sa halip na lumipat pa sa ibang bansa.
Binigyang-diin ni Conti na higit na mahalaga ang pagsunod sa mga kondisyon kaysa kung saang bansa ilalabas ang dating pangulo, kabilang dito ang hindi paggawa ng panibagong krimen, hindi panghihimasok sa proseso, at pagbabalik sa korte sa itinakdang panahon.
Dagdag pa ni Atty. Conti, maaaring makaapekto sa desisyon ng ICC ang asal ng pamilya Duterte, gaya ng mga pahayag ni VP Sara Duterte na nagpapakita ng pagtanggi sa pagiging lehitimo ng Korte.
Tinalakay din ni Conti ang pahayag ng Bise Presidente na natagpuang walang malay si Duterte sa kanyang silid. Nilinaw umano ng ICC na may nakahandang mga doktor at nars para tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng mga nakakulong, at hindi basta inilalabas o ibinabahagi ang medical records.
Iginiit ni Conti na nais pa rin ng mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra iligal na droga na malusog ang dating Pangulo upang maharap ang paglilitis at makamit ang katarungan.
Matatandaan, muling hiniling ng kampo ng dating Pangulo ang interim release dahil sa matagal na pagkaantala ng proseso at isyu sa pagsusuri ng kaniyang kalusugan.
Sa kasalukuyan, nakapiit sa The Hague ang dating Pangulo habang hinihintay ang naudlot na kumpirmasyon ng kaso laban sa kanya.















