Inaasahang makikipagpulong si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa kanyang security cabinet ngayong Huwebes upang talakayin ang plano ng Israel Defense Forces (IDF) na unti-unting sakupin ang Gaza City, sa kabila ng matinding international condemnation sa lumalalang humanitarian crisis sa rehiyon.
Ayon sa isang opisyal ng Israel, hihilingin ni Netanyahu sa cabinet na aprubahan ang hakbang upang ganap na sakupin ang Gaza Strip.
Nakatakdang simulan ang pulong bandang alas-6:00 ng gabi (local time).
Tinalakay na rin umano ang isyu sa isang tatlong-oras na pagpupulong ng limitadong security cabinet noong Martes.
Sinabi rin ng isang Israeli official na nais ni Netanyahu palawakin pa ang operasyon sa Gaza dahil naniniwala siyang hindi interesado ang Hamas sa panibagong kasunduan para sa pagpapalaya ng mga bihag.
Samantala, nang tanungin ang U.S. State Department hinggil sa posibleng paglawak ng opensiba, sinabi ng tagapagsalita nitong si Tammy Bruce na hindi nila binibigyang-kahulugan ang mga pahayag ng ibang gobyerno, ngunit iginiit nilang nananatili ang kanilang layunin na mapalaya ang mga bihag at matiyak na hindi na muling pamumunuan ng Hamas ang Gaza.