BACOLOD CITY – Kinumpirma ng public information officer ng Negros Oriental na wala pang direktiba ng community quarantine o travel restrictions sa lalawigan.
Ito’y sa kabila ng pagkamatay ng kanilang konsehal dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Bimbo Miraflor, iginiit nito na wala nang positibong kaso ng COVID-19 sa Negros Oriental dahil binawian na ng buhay kahapon ang 62-anyos na konsehal sa Tayasan.
Nagpositibo sa COVID-19 ang naturang konsehal matapos dumalo sa Philippine Councilors League convention noong Pebrero.
Ngunit ayon kay Miraflor, wala pa ring executive order na inilabas tungkol sa pag-iimplementa ng community quarantine o travel restrictions ang lokal na pamahalaan ng Negros Oriental.
Ayon sa kanya, kahit sino ay maaari pang makapasok sa probinsya ngunit kailangang i-check ang body temperature ng mga ito at kung mayroon silang sintomas ng COVID-19.
Ayon kay Miraflor, sa 15 persons under investigation, tatlo pa lang ang mayroong resulta at pawang negatibo ang mga ito.