Para sa Philippine National Police (PNP) nasunod ang health protocol at striktong pag obserba sa physical distancing ng mga deboto ng Itim na Nazareno nuong kasagsagan ng pagdiriwang ng Pista kahapon.
Ayon kay NCRPO spokesperson, Lt.Col. Jenny Tecson, sa pangkalahatan, nasa 400,000 devotees ang nagtungo sa Quiapo Church.
Sinabi ni Tecson na kahit nasunod ang minimum health standard protocols, may mga areas pa rin ang medyo nakalimot, subalit may mga pulis sa lugar at pina-alalahahan sila sa health protocol.
Binigyang-diin din ni Tecson, ang matagumpay at mapayapang selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno ay dahil talagang nagtulong-tulong ang PNP at ang mga organizers.
Samantala, pina-alalahanan naman ng Department of Health (DOH) ang mga deboto na nagtungo sa Quiapo church na bantayan ang mga sintomas ng Covid-19 at mag self-quarantine na.
Sa isang pahayag, pinayuhan ng DOH ang mga nakiisa sa Pista ng Nazareno na limitahin ang interactions sa mga miyembro ng pamilya at bantayan ang mga sintomas na posibleng mararanasan.