Muling nakitaan ng pagbaba sa positivity rate ng COVID-19 ang National Capital Region batay sa monitoring ng OCTA Research Group.
Ito ay matapos na makapagtala ng 11.6% na pagbaba sa COVID-19 positivity rate sa buong Metro Manila ang naturang research group.
Ayon kay OCTA research fellow Dr. Guido David, batay ito sa kanilang isinagawang seven-day testing positivity rate sa rehiyon kung saan bumaba ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nagpopositibo sa nasabing sakit mula sa dating 16.7% na naitala noong Hunyo 3.
Samantala, bukod dito ay iniulat din ni David na sa kabila nito ay naitala naman ang pagtaas sa bilang ng COVID-19 positivity rates sa mga lalawigan ng Cagayan, Camarines Sur, La Union, Oriental Mindoro, Pampanga, at Tarlac.
Batay rin sa datos na inilabas ng OCTA, ay tumaas din sa 54.3% ang positivity rate sa Aklan mula sa dating 50% nauna nang naitala.
Ngunit nakitaan naman ng pagbaba ang positivity rate ang Leyte mula sa dating 21% na ngayong 17% na lamang.
Nananatili namang mababa pa rin ang positivity rate sa Davao del Sur sa datos na 4.6%.
Samantala, sa pinakahuling datos pa rin ng mga eksperto ay aabot na sa kabuuang 4,155,031 ang bilang ng mga naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 66,481 dito ang mga nasawi habang nasa 11,202 naman ang nananatiling aktibo.