Inatasan na raw ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang anim na ospital na tumangging i-admit ang isang senior citizen na kalaunan ay namatay.
Ayon kay Guevarra, mahigpit ang kanyang utos sa NBI na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa isyu na ikinamatay ni Ladislao Cabling, 65-anyos na taga Cabanatuan sa Nueva Ecija.
Una rito, hindi raw tinanggap ang senior citizen sa mga ospital dahil sa kakulangan ng intensive care units (ICU).
Ang biktima ay hindi raw sumailalim sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) test pero mayroon itong asthma.
Maalalang sa press conference ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi, binalaan nito ang mga ospital na tumatangging tumanggap ng mga pasyente na pananagutin niya ang mga ito sa pamamagitan ng imbestigasyon ng DoJ.