Magsasagawa ng legal na aksyon ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga nasa likod ng isang fake online post na nagsasabing binatikos ni NBI Director Melvin Matibag ang Iglesia Ni Cristo (INC).
Ayon sa NBI, bahagi ito ng isang disinformation campaign na layong maghasik ng pagkakahati at guluhin ang publiko.
Tiniyak din ng ahensya na hindi kailanman nagbigay si Matibag ng anumang pahayag laban sa INC at sa mga miyembro nito.
Sinabi ng NBI na tinutukoy na nila ang mga responsable sa paglikha at pagpapakalat ng maling impormasyon at sasampahan ang mga ito ng kaukulang kaso.
Nanawagan din ang ahensya sa publiko na sumangguni lamang sa mga opisyal at beripikadong impormasyon at tiyaking tama ang anumang nilalaman bago ito ibahagi.
Ang isyu ay lumitaw kasabay ng patuloy na kilos-protesta ng mga miyembro at tagasuporta ng INC bilang suporta kay Senador Rodante Marcoleta, na nahaharap sa nakaambang isampa na kasong plunder.
















