-- Advertisements --

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa mga ibinunyag ni Ramil Madriaga na umano’y assassination plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kung babalikan ay ibinunyag ni Madriaga na nagplano umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng assassination at kudeta laban kay Pang. Marcos sakaling hindi ito bumaba sa pwesto pagsapit ng 2025.

Ang kontrobersyal na pahayag ay nakasaad sa supplemental affidavit ni Madriaga na isinumite sa House Justice Committee na nagsasagawa ng impeachment hearing laban kay VP Sara.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, iniimbestigahan na ito ng naturang opisina, at nais na siyasatin ang kabuuan ng naturang alegasyon.

Maging ang naunang pahayag ni Davao City Mayor Baste Duterte na ‘gusto lang nila ay ang ulo ni Marcos’ ay bahagi rin ng ginagawang imbestigasyon.

Ang kontrobersiyal ding pahayag na ito ay binitawan ni Baste sa paglulunsad ng Reform Alliance for Good Governance and Accountability (RAGE Coalition) sa San Juan City, ilang araw na ang nakalilipas.

Ayon sa NBI chief, kinalaunan ay maglalabas ang bureau ng isang memorandum ukol sa naturang imbestigasyon.

Aminado rin ang abogado na hindi simpleng pahayag ang mga ito dahil parehong nakapukol sa pangulo ng bansa.